Welcome to Noypedia! Ang pinaka-awesome na Pinoy Encyclopedia! Kung gusto mong mag-react o kaya mag-add ng content, click mo lang ang Add an Entry.
Si Benigno
Servillano "Ninoy" Aquino, Jr (November 27, 1932 - August 21, 1983)
ay isang Pilipinong senador, Gobernador ng Tarlac, at isang lider ng oposisyon
laban sa dating Pangulong Ferdinand Marcos. Siya ay pinatay sa Manila
International Airport (na tinawag na NAIA kalaunan, bilang karangalan kay
Ninoy) sa pagbabalik nya sa bansa mula sa paninirahan sa Estados Unidos. Ang
kanyang pagkamatay ang naging dahilan ng pagpasok sa pulitika ng kanyang
naiwang asawa, si Corazon Aquino, na kalaunan ay naging pangulo at pumalit sa
administrasyong Marcos.
Si Ninoy Aquino ay pinanganak noong November 27, 1932 sa Tarlac, Luzon, sa
isang mayaman na pamilya. Sa edad na 22
sya ang naging pinaka batang mayor ng kanyang bayan sa Concepcion. Pagkalipas
ng anim na taon, sya ay naging gobernador ng Tarlac. Noong 1967, gumawa na
naman sya ng kasaysayan noong sya ang maging pinakabatang senador sa Pilipinas.
Naging asawa nya noong mga panahon ito si Corazon Cojuangco; at sila ay
nagkaroon ng limang anak.
Naging sikat si Ninoy sa kanyang angking galing sa pakikipagtalastasan at sa
kanyang katalinuhan. Sya ang naging pangunahing kandidato para sa
pagkapresidente noong 1973, samantalang si President Marcos ay patapos na ang
dalawang termino bilang presidente. Sa panahong ito, nagsimulang siraan si
Aquino ng administrasyon at ikinalat na sya ay isang Komunista dahil sa kanyang
pakikipagusap sa mga rebelde sa Central Luzon.
Gumuho ang ambisyon ni Ninoy na maging president noong ideklara ni President
Marcos ang Martial Law at inalis ang konstitusyon. Kinuha ni Marcos ang lahat
ng kapangyarihan at pinakulong lahat ng kanyang mga kaaway sa politika, kasama
na si Ninoy, na nakulong sa loob ng pitong taon, at dineklarang may sala sa
krimen na pagpatay, paglaban sa gobyerno, at pagkakaroon ng ilegal na baril.
Pinabulaanan lahat ito ni Ninoy at sinabi nya na sya ay inosente. Noong 1980,
pinayagan sya ng gobyerno na lumabas sa Pilipinas at magpagamot sa Estados
Unidos para sa kanyang operasyon sa puso. Nanatili sya dito at nagturo sa
Harvard University hanggang sa kanyang pagbabalik ng Pilipinas noong 1983, kung kailan sya ay binaril at namatay sa paliparan.
Pagkatapos ng pagkamatay ni Ninoy napilitan si Pangulong Marcos na paimbestigahan
ang krimen sa ilalim ng pamamahala ni Judge Corazon Agrava. Sinabi ni Marcos na
ang pumatay kay Ninoy ay tauhan ng mga Komunista. Ang pangunahing suspek, si
Rolando Galman, ay pinatay din sa paliparan pagkatapos nyang barilin si Ninoy.
Sa inilabas na report ng gobyerno, walang kinalaman ang militar sa
pagkamatay ni Ninoy.
Pero ayon sa inilabas na ulat ng mga opisyal na imbestigador, si Ninoy ay
hindi pinatay ng mga Komunista, kung hindi isang biktima ng militar sa ilalim
ni Gen. Fabian Ver, ang pinakamataas na opisyal ng militar, na matalik na
kaibigan at pinsan ni Pangulong Marcos.
Marami ang nabigla sa mga inilabas na ulat. Halos lahat ng Pilipino ay
naniniwalang hindi papatayin si Ninoy ng militar kung walang utos na
nanggagaling sa itaas mula sa Pangulong Marcos. Gayunpaman, walang nailabas na
matibay na ebidensya na magpapatunay na si Pangulong Marcos ang nagpapatay kay
Ninoy.
Si Ninoy ang syang pinakamalakas na kalaban ni
Marcos, ngunit sa kanyang pagkamatay, lalo pa syang naging malakas at malapit
sa puso ng mga Pilipino. Ang pagpatay sa kanya ang nagpagkaisa sa mga Pilipino.
Sa kanyang pagkamatay, lalong lumubha ang kalagayan ng ekonomiya ng bansa at
noong 1985, ang bansa ay nasa matinding politikal na pighati. Noong panahon
ding ito nagsimulang magkalakas ng loob ang media na lumaban sa administrasyon.
Noong
1985, pinawalang sala ng mataas na hukuman si Gen. Ver at ang iba pang myembro
ng militar sa pagkamatay ni Ninoy. Madaling ibinalik ni Marcos si Ver sa
kanyang posisyon sa militar. Ngunit gayunpaman, sa konting nalalabing panahon,
lumakas ang oposisyon sa pamumuno ni Cory at ito na ang nagpasimula ng People
Power sa Edsa.